Magbibigay ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng libreng sakay para sa mga maapektuhang komyuter sa ikakasang 2 araw na tigil pasada ng ilang grupo ng transportasyon simula sa Lunes, Abril 15 hangang 16.
Ito ay kasunod ng anunsiyo ng grupong PISTON at MANIBELA na magsasagawa sila ng nationwide transport strike sa susunod na linggo sa gitna ng nakaambang pagpaso ng deadline para sa consolidation ng mga tsuper at operator ng PUVs.
Inaasahan ayon sa presidente ng MANIBELA na si Mar Valbuena nasa 30,000 tsuper ng dyip sa Metro Manila at 100,000 sa iba pang lugar sa bansa ang makikisa sa tigil pasada.
Sa kabila ng nakaambang panibagong transport strike, binigyang diin ng LTFRB na dapat makumpleto na sa April 30 deadline ang PUV consolidation gaya ng kautusan ni PBBM.
Kayat muling hinihimok ng ahensiya ang mga jeepney operator na samantalahin ang pagkakataon na makapag-consolidate sa ibinigay na final extension dahil ang mga mabibigong mag-consolidate ay mapapawalang-bisa ang kanilang prangkisa.