Magbubukas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa susunod na linggo ng mga karagdagang ruta para sa mga pampasaherong jeepneys at provincial buses.
Ayon sa LTFRB na mayroong 60 ruta ng mga traditional Public Utility Jeepney (TPUJ) sa NCR ang kanilang bubuksan habang 190 naman sa Provincial Pubilc Utility Bus.
Ayon kay Department of Transportation (DoT) Secretary Arthur Tugade na ang nasabing hakbang ay para makatuong sa mga mamamayan na uuwi sa kanilang probinsiya.
Isa rin itong paraan na nakikita ng kalihim para matigil na ang laganap na operasyon ng mga kolurom na sasakyan para hindi kumalat pa ang COVID-19.
Paglilinaw din nito na dedepende pa rin sa mga restrictions na ipapatupad ng mga local government units sa mga pagbubukas ng kanilang mga border para sa mga bus na manggagaling sa ibang lalawigan.
Sa kasalukuyan ay mayroong 745 na ruta ng mga PUV ang nabuksan sa Metro Manila kung saan 53,441 PUV units ang pinayagan na bumiyahe.
Ang nasabing bilang ay nasa 76 percent sa kabuuang pampublikong sasakyan na bumabiyahe sa NCR.
Mahigpit rin nilang pinapaalalahanan ang mga operators na sumunod sa mga health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield, pagkakaroon ng sapat na ventilation, social distancing at laging pagdisinfect.