Maglalabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng show cause order laban sa bus company na sangkot sa aksidente noong Lunes ng gabi sa North Luzon Expressway (NLEX) sa Valenzuela City.
Ayon kay LTFRB spokesperson Atty. Ariel Inton, ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Transportation Secretary Vince Dizon.
Nabatid na naganap ang aksidente nang magpalit ng linya ang bus at bumangga sa isang closed van at dump truck. Dalawa sa 40 pasahero ng bus ang nasugatan.
Sinabi ni Inton na kasalukuyan pa nilang iniimbestigahan kung may naitalang nakaraang insidente ang naturang bus, ngunit sa ngayon ay wala pa silang natukoy.
Binalaan naman ng LTFRB ang publiko laban sa pagsakay sa mga colorum o hindi rehistradong sasakyan dahil wala itong insurance at hindi rin tiyak kung kwalipikado ang mga driver nito.
Samantala, inatasan ni LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III ang mas pinaigting na kampanya laban sa mga pabaya at mapanganib na pampasaherong driver.
Nagbabala rin si Guadiz na maaaring masuspinde o kanselahin ang prangkisa ng mga operator na paulit-ulit na lumalabag o hindi nadidisiplina ang kanilang mga driver.