Ipinagutos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang paglalabas ng Special Permit sa mga pampublikong sasakyan upang makabiyahe sa mga apektadong lugar para matiyak na walang maaapektuhang pasahero sa gitna ng nakaambang tigil-pasada ng ilang grupo simula sa ika-6 ng Marso.
Sa ilalim ng Board Resolution No. 06 series of 2023 na inilabas ng LTFRB, inatasan ng ahensya ang lahat ng Regional Directors nito na mag-isyu ng Special Permits upang mapahintulutan ang mga operator at tsuper ng mga pampublikong sasakyan na pumasada sa labas ng kanilang ruta para matugunan ang mga lugar na apektado, alinsunod sa mga panuntunan na una nang nakasaad sa Memorandum Circular 2015-008 ng ahensya.
Sa naturang Memorandum Circular, maaaring mag-isyu ng Special Permit ang LTFRB bilang paghahanda sa anumang sitwasyon na posibleng makaapekto sa kaligtasan at kaginhawaan ng publiko partikular na ng mga pasahero.
Ayon kay LTFRB Technical Division Chief Joel Bolano, isa lamang ang paglalabas ng Special Permit sa mga hakbang na isinagawa ng ahensya upang mapaghandaan ang ikinasang tigil-pasada ng iba’t ibang grupo sa sektor ng transportasyon.
Samantala, tiniyak rin ng LTFRB na nakipag-ugnayan na sila sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan upang masiguro na mananatiling ligtas ang lahat ng mga pasahero, driver, operator at maging ang mga grupo na mangunguna sa tigil-pasada.