-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Kinumpiram ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB ) Chairman Atty Martin Delgra na may dadating pang 15 modern jeepneys ngayong buwan sa General Santos City.

Ngayong araw tampok si Atty. Delgra sa pinaka unang Transport Operators and Drivers Association (TODA) Summit na lalahukan ng iba’t ibang grupo at asosasyon ng mga transportasyon sa lungsod.

Una nangg sinabi ni Atty. Arnel Sapatos, city administrator na 1,600 ang dadalo sa nasabing pagtitipon matapos kinilala ang General Santos City na unang nagpatupad ng local public transport route plan para resolbahin ang gusot sa transportasyon.

Ayon kay Sapatos suportado ng local government units (LGUs) ang Public Transport Alliance of GenSan (PTAG) na nabigyan ng unang 15 bagong units ng modern jeep na dumating kahapon.

Dagdag pa nito na marapat lamang na palitan na ang mga lumang public utility vehicle (PUV) kayat ipinatupad ang modernization program ng pamahalaan ngayong taon.

Ang 22 seaters modern jeep na mas malaki at malawak kaysa sa jeep at multicab na may aircon, CCTV camera at Global Positioning System (GPS) na gumagamit ng tap card sa pamasahe.

Nagkakahalaga ang bawat isa ng P2.3 million gamit ang diesel engine na Euro 4 compliant .