Magpapasaklolo na sa Office of the Solicitor General (OSG) ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at sa kani-kanilang legal team.
Kaugnay pa rin ito ng paglalabas ng injunction order ng Quezon City Regional Trial Court Branch 223 na nagpapatigil sa nakatakda nang provincial bus ban sa kahabaan ng EDSA.
Sa inilabas na pahayag ng dalawang ahensya, kanila raw susundin ang kautusan ng korte bilang ito ang isa sa mga tinitingalang institusyon.
Gayunman, binigyang-diin ng mga nabanggit na ahensya, hindi pa raw dito nagtatapos ang laban dahil ito’y isasailim sa legal review upang makapaghain sila ng apela.
Kaugnay nito, ikinalungkot ni MMDA General Manager Jojo Garcia ang naturang pasya ng korte.
Giit ni Garcia, hindi raw sila anti-commuters at taumbayan din naman daw ang makikinabang sa pag-aalis ng mga provincial bus sa EDSA.
“However, the MMDA hopes to undertake the intended dry run so as to give all parties the opportunity to fully observe and assess the said policy. We remain open and receptive to all possible inputs that the dry run may result with,” saad ng MMDA.
Batay sa desisyon ng korte, mayroon daw “abuse in the issuance” sa LTFRB circular na nagbabawal sa provincial buses sa EDSA, at sa MMDA regulation na nagre-revoke sa business permits ng lahat ng provincial bus terminals sa naturang daanan.
Ayon pa sa korte, may “far-reaching” effects daw sa mga negosyo at maging sa kanilang mga empleyado ang naturang kautusan.
Wala rin daw makatwirang dahilan sa pag-ban ng mga bus dahil wala raw silang nakikitang pagkakaiban sa provincial bus at sa mga premium point-to-point (P2P) buses na hindi saklaw sa ban.
Una nang umalma rito ang mga operators at drivers ng provincial buses dahil sa laki ng maaaring negatibong epekto sa kanilang hanap-buhay at maging sa mga mananakay.