Pinasalamatan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa ipinakita nitong suporta patuloy na implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program.
Ayon kay LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III, ang pagsuporta ni PBBM sa naturang programa ay nagpapakita lamang ng importansya na imordernisa ang public transportation system ng bansa.
Ginawa ni Guadiz ang naturang pahayag matapos na sabihin ni PBBM na hindi siya sumasang ayon na ipagpaliban ang pagpapatupad ng programa para isailalim sa paa-aaral.
Sinabi ni Marcos na hindi minamadali ang programa habang idiniin na pitong beses na itong ipinagpaliban.
Ang PUV Modernization Program ay kasalukuyang tumutuon sa route rationalization phase matapos ang deadline para sa konsolidasyon ng mga operator sa alinman sa isang kooperatiba o isang korporasyon ay natapos noong Abril 30 ngayong taon.
Mula noong 2018, ipinaliwanag ni Transportation Secretary Jaime J. Bautista na gumastos na ang gobyerno ng 53 porsyento ng kabuuang P7.5 billion na inilaan para sa pagpapatupad ng programa, kabilang ang P1.6 bilyon na inilaan para sa PUV Modernization para sa taong ito.
Sa pagtutok ngayon sa rationalization ng ruta, sinabi ng DOTr na may kabuuang 6,090 ruta ang pinagsama-sama mula noong Abril 30 habang 71 porsiyento ng kabuuang 1,574 na local government units sa buong bansa ang nakapagsumite na ng Local Public Transport Route Plan.
Ang Local Public Transport Route Plan ay isang plano na nagdedetalye ng network ng ruta, mode, at kinakailangang bilang ng mga yunit sa bawat mode para sa paghahatid ng public land transport
Noong Abril 30, umabot sa 83.38 porsyento ang nationwide consolidation kung saan ang DOTR’s Office of Transport Cooperatives ay nag-accredit sa 1,781 na kooperatiba na may 262,870 miyembro.