Inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Borad (LTFRB) ang pagnanais nitong pasalihin ang mga miyembro ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) at Manibela sa mga accredited cooperative.
Ayon kay LTFRB Chair Teofilo Guadiz III, nais ng ahensiya na pasalihin na lamang ang mga miyembro sa mga kooperatiba at mga korporasyon na una nang nakakuha ng accreditation kasunod ng isinagawang consolidation.
Ayon kay Guadiz, maaaring pumasok na lamang bilang miyembro ng mga naturang kooperatiba ang mga miyembro ng dalawang grupo at huwag nang bumuo ng mga sarili nilang korporasyon o kooperatiba.
Ang dalawang nabanggit na grupo ay binubuo ng libo-libong mga tsuper at operator ng mga tradisyunal na jeepney.
Nitong Lunes at Martes ay nagsagawa ang mga ito ng transport strike upang tutulan ang pagpapatuloy ng Public Transport Modernization Prgram (PTMP).
Ayon kay Guadiz, buo na ang plano ng pamahalaan sa pagsusulong ng naturang programa dahil sa mahigit 80% na ng transport sector ay nakibahagi sa consolidation, ang isa sa mga unang yugto ng public transport modernization sa bansa.