-- Advertisements --

Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na agad nilang aaksyunan ang mga iregularidad sa screening process ng mga ride-hailing apps dahil sa mga reklamo at insidente ng mga habal-habal at mga aksidente sa daan na kinabibilangan ng mga motorcycle taxis.

Binatikos kasi ng grupong Digital Pinoys sa pangunguna ni National Campaigner Ronald Gustilo ang nagiging screening process ng mga ride-hailing apps dahil sa tumataas na bilang ng mga aksidente.

Ilan kasi sa mga riders ay hindi professional riders at ang ilan ay nilalampasan na ang mga screening tests habang ilang riders din ang umamin na hindi tumatanggap ng booking at naghahabal habal na lamang.

Nagsumite naman si Gustilo ng affidavit ng mga riders kung saan aminado silang hinikayat sila ng isang moto taxi application nang hindi sumasailalim sa skills assessments at field training.

Sa naging pagdinig ng Committe on Public Services sa senado, nagsimula na umano ang ahensya sa imbestigasyon at nagpapatuloy ang kanilang mga pagdinig para sa mga naturang isyu sa screening process at maski sa mga aksidente na kinasasangkutan ng mga moto taxis na ito.

Para sa ahensya, marapat lamang na magsagawa ng decommission sa higit 7,000 riders dahil ang mga ito ay overboarding na aniya.

Samantala, magkakaroon naman ng ikalawang hearing ang LTFRB kasama ang mga riders at ang mga ride-hailing apps na nabanggit para matukoy kung ano ang mga sanctions at penalty na ipapataw sa mga ito.