-- Advertisements --

Tiniyak ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na magpapatuloy pa rin ang pag-usad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Ito ay sa kabila ng itinutulak sa Senado na pansamantalang suspensiyon sa naturang programa.

Batay sa inilabas na statement ng LTFRB, magpapatuloy ito sa pagsunod sa PUVMP, katuwang ang mga driver, operator, at mga grupo ng transportasyon.

Nakasaad din sa naturang pahayag na nirerespeto ng LTFRB ang inilabas ng Senado na resolusyon na humihiling para sa pansamantalang suspension ng programa.

Gayunpaman, ipinunto ng ahensiya, sa pamamagitan ni LTFRB Chief Teofilo Guadiz III, na ang programang modernisasyon sa mga pampublikong sasakyan ay tugon ng gobyerno sa lumalalang problema sa transportasyon.

Ang LTFRB aniya ay mananatiling committed sa pagbibigay ng maayos, ligtas, at episyenteng serbisyo para sa mga komyuter at magkaroon ng mas maayos na transport service, sa pamamagitan ng modernization program.

Maalalang umabot sa 22 Senador ang pumirma sa Senate Resolution No. 1096 na humihiling para sa pansamantalang suspensiyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), na ngayo’y tinatawag na bilang Public Transport Modernization Program (PTMP).

Katwiran ng mga Senador, kailangan munang resolbahin ang mga alalahanin na inilabas ng mga tsuper, grupo, asosasyon, at transport cooperative ukol sa naturang programa.