Nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nasa pagpapasya na ng operators at mga tsuper kung saan at anong klase ang kanilang bibilhing modernong public utility vehicles (PUVs).
Ito ang naging tugon ng ahensiya kasunod ng panawagan ni Sen. Minority Leader Aquilino Pimentel III sa DOTr na pangalanan ang mga kontraktor na magbibigay ng up-to-date na PUVs sa ilalim ng modernization program.
Paliwanag pa ni LTFRB Technical Division chief Joel Bolano na walang mandato ang ahensiya at Department of Transportation sa pagbili ng mga modernong units sa ilalim ng public utility vehicle modernization program ng mga transport service entities (TSE) dahil ang papel lang aniya ng pamahalaan ay ibigay ang PH national standard.
Muli namang iginiit ng LTFRB na hindi pinipilit ng gobyerno ang PUV cooperatives at corporations na bumili ng pinakamahal na modernized unit at maaaring bumili aniya ng sasakyan sa pamamagitan ng loan.
Sinabi naman ni LTFRB officer-in-charge Riza Paches na mayorya ng mga certified manufacturers ng modernized unit ay local.