Nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi mandatory ang paglalagay ng mga plastic barrier upang maipatupad ang physical distancing sa loob ng mga jeepney.
Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra III, hindi raw nila polisiya ang paglalagay ng plastic barriers sa pagitan ng mga pasahero sa tradisyunal na jeep.
“Patungkol naman sa plastic barriers that separates the passengers, I would just like to clarify na ‘yung polisiya na binaba po ng DOTr at LTFRB patungkol sa plastic barriers… this is actually in relation to the plastic barrier that separates the driver from the passengers,” wika ni Delgra.
“So wala pong official statement ang LTFRB, [Department of Transportation] or event the [Inter-Agency Task Force] regarding doon sa plastic barriers between passengers,” dagdag nito.
Pero sinabi ng opisyal, kung nakatutulong naman ang mga plastic barrier ay maaari pa naman itong gamitin ng mga operator.
Aniya, ang pag-install ng mga plastic barrier ng mga operator at driver para ihiwalay ang mga pasahero sa isa’t isa ay upang maipakita kung papaano gagawin ang physical distancing sa loob ng mga jeep.
Simula Setyembre 14, luluwagan ng DOTr ang social distancing protocol sa loob ng pampublikong transportasyon.
Mula sa kasalukuyang isang metro, babawasan ang pagitan ng commuters sa loob ng public transportation sa 0.75 meters.
Paliliitin pa ang distansya sa 0.5 meters matapos ang dalawang linggo, hanggang sa 0.3 makalipas naman ang 14 na araw.