Minamadali na ng Land Transportation and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbalik sa operasyon ng mga pamprobinsyang bus para sa mga taong gusto ng direktang masasakyan pauwi sa kani-kanilang mga lugar sa labas ng Metro Manila.
Kinumpirma ni LTFRB National Capital Region director Atty. Zona Russet Tamayo na papayagan na muli ang mga provincial buses sa mga susunod na linggo.
Sisimulan aniya ito sa mga kalapit na probinsya ng Metro Manila tulad ng Regions III at IV A nd B, saka lamang ito papayagan na bumyahe sa iba pang malalayong rehiyon.
Patuloy naman ang pakikipagtulungan ng LTFRB sa mga local government units na bumuo ng iisang requirements para sa mga pasahero na papayagang bumyahe sa iba’t ibang rehiyon.
Magkakaiba raw kasi ang suhestyon ng mga LGUs sa requirements na nais nilang pairalin.
Ayon pa kay Tamayo, posibleng isama sa mga requirements na ito ang travel clearance mula sa LGU na pinanggalingan ng isang byahero, clearance mula sa Philippine National Police (PNP) at government ID.
Mananatili naman ang 50% passenger capacity ng mga bus alinsunod na rin sa protocol ng Inter-Agency Task Force (IATF).