-- Advertisements --

Ipinag-utos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pansamantalang suspensyon sa Buena Sher Transport matapos na masangkot sa isang aksidente ang isa sa kanilang mga bus sa North Luzon Expressway nitong Biyernes ng gabi.

Ayon sa LTFRB, nag-isyu na sila ng “immediate suspension” order laban sa bus company, dahilan upang pigilan ito na mag-deploy ng kanilang mga bus habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Bibigyan din ng pagkakataon ang naturang kompanya na magpaliwanag kung bakit hindi dapat na kanselahin ang kanilang prangkisa dahil sa trahedya.

Inatasan na rin umano ang isang insurance company na makipag-ugnayan sa pamilya ng mga biktima.

Nasa walong katao ang nasawi habang hindi bababa sa 13 ang sugatan matapos mabundol ng bus ang SUV.

Kinabig pa raw ng driver na si Victorio delos Reyes ang bus patungo sa kaliwa, hanggang sa sumalpok ito sa kongkretong median barrier, bumagsak nang patagilid at umikot.

Sa pahayag ng mga pasahero, mabilis daw ang patakbo ng bus kahit na madulas ang daan dahil sa pag-ulan.