Tiniyak ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa mga commuter na hindi aabot sa P50 ang pamasahe sa public utility vehicles (PUV) kapag ganap nang naipatupad ang transport modernization.
Sinabi ni LTFRB chairman Teofilo Guadiz III na ang ulat ng pagtaas ng pamasahe na umabot sa P50 para sa mga modernong jeepney ay imposible.
Tiniyak ni Guadiz na hindi kailanman aaprubahan ng ahensya ang inilarawang labis na pamasahe.
Ito ay matapos rin ang inilabas na pahayag ng Ibon Foundation na nag-project ng P50 fare hike dahil sa corporate-type structure ng PUV Modernization program.
Sa kasalukuyan, ang minimum na pamasahe para sa mga tradisyunal na jeepney ay P13 at P15 para sa mga modernong jeepney.
Ipinaliwanag ni Guadiz na sa pagbuo ng mga projection ng fare hike, kailangang magsagawa ng pag-aaral at dapat suriin ang iba’t ibang salik, kabilang ang epekto nito sa kasalukuyang inflation rate.
Ito aniya ang dahilan kung bakit palaging kinokonsulta ang National Economic and Development Authority (NEDA) sa anumang petisyon para sa pagtaas ng pamasahe.
Tiniyak din ni Guadiz na nananatiling nakatuon ang LTFRB sa pagbibigay ng mas magandang serbisyo sa mga tao at iginiit na walang ipatutupad na hindi makatwirang pagtaas ng pamasahe na magdadagdag lamang ng pasanin sa mga commuters.