Umapela sa Department of Budget and Management (DBM) ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang pabilisin ang release funds para sa fuel subsidy ng mga public utility vehicle (PUV) drivers.
Sinabi ni LTFRB Executive Director Maria Kristina Cassion na nakapag-sumite na ng mga kaukulang dokumento ang kagawaran sa DBM.
Ito aniya dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo sa produktong petrolyo na kinakailangan aniya na agad na matugunan.
Dahilan kung bakit nais nang madaliin ng ahensya ang naturang subsidy kahit na hindi pa nakakamit ang “three-month rule” upang ma-trigger ang paglulunsad ng naturang programa.
Gayupaman, sinabi ng opisyal na nakasaad sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act (GAA) na mailalabas lamang ang naturang fuel subsidy funds kung nag-average o lumampas sa USD80 kada bariles ang presyo ng Dubai crude oil sa loob ng tatlong buwan.
Ibig sabihin nito ay kinakailangan muna ang mga datos para sa buwan ng Marso upang mahanap ang tatlong buwang average ng Dubai crude oil.
Samantala, dagdag pa ng opisyal ay pinalawak pa ang fuel subsidy program upang isama na rin ang mga Public Utility Buses (PUBs), Minibuses, Taxi, UV Express, Transport Networl Vehicle Service (TNVS), Tourist Transport Service (TTS), maging ang mga tricycle drivers at Delivery Services.