CENTRAL MINDANAO – Pinadedeklara ng mga kasapi ng Regional Peace and Order Council (RPOC) ang mga local terrorist group (LTG) at ang Communist New People’s Army terrorist (CNT) sa buong Rehiyon 12 bilang persona non-grata sa ginawang pagpupulong sa Carpenter Hill, Koronadal City.
Ayon kay Major General Juvymax Uy, ang commander ng 6th Infantry (KAMPILAN) Division at ng Joint Task Force Central, hinimok nila ang mga barangay sanggunian na bumalangkas ng resolusyon upang ideklarang persona non-grata ang mga nabanggit.
“Hindi na welcome ang sinuman na guluhin ang ating lugar, kaya mas mainam na huwag nating suportahan ang mga ginagawa ng mga teroristang grupo lalo na itong BIFF, Dawlah-Islamiyah at NPA,” wika pa ni Maj. Gen. Uy.
Pinuri naman ni RPOC chairperson at gobernador ng Sultan Kudarat Suharto “Teng” Mangudadatu, ang militar at pulisya sa pag-neutralize sa sub-lider ng Dawlah-Islamiyah na si Arafat Bulacon alias Maula kasama ang limang mga kasama nito na nanlaban umano sa mga otoridad sa isang operasyon sa Polomolok, South Cotabato.
Samantala, suportado naman ng mga lokal na pamahalaan ng Rehiyon 12 ang kampanya ng AFP hinggil sa mga loose firearms.
“The member of RPOC had passed a resolution enjoining LGUs of Region 12 to support the campaign of the AFP on the loose firearms, which will be a great help in reduction of criminalities and violence in the communities,” dagdag na pahayag ni Maj. Gen. Uy.
“We are in support of this program because we shun violence and extremism. We also support other government’s programs in order to get rid of terrorism especially here in Soccksargen Region,” ani Mangudadatu.
Dumalo rin sa naturang RPOC 4th Quarter Meeting sina Director Josephine Cabrido-Leysa, RPOC Secretariat; B/Gen Michael John Dubria, PNP-12 regional director, mga alkalde at iba pa.