NAGA CITY – Tiniyak ngayon ng Land Transportation Office (LTO-Bicol) na hindi maapektuhan ang kanilang serbisyo sa publiko sa kabila ng tensyon na nangyayari sa naturang ahensya.
Ito’y may kaugnayan sa ipinataw na preventive suspensyon kay Mar Jose Magistrado, chief for operations division ng ahensya hinggil sa umano’y anomalya na kinasangkutan nito lalo na ang isyu ng solicitation ng pera sa ilang mga bus companies sa Bicol.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Noreen San Luis Lutey, sinabi nitong preventive suspension pa lamang ang ipinataw kay Magistrado at nasa ilalim pa ito ng mas maigting na imbestigasyon.
Subalit, ayon kay Lutey habang suspendido si Magistrado, mayroon itong karapatan na depensahan ang kanyang sarili sa mga alegasyon laban dito.
Ang naturang isyu ang nag-ugat sa ipinataw na grave misconduct dahil sa umano’y dalawang taon na maanomalyang bidding auction at paghingi ng pera sa ilang bus companies sa rehiyon na nagkakahalaga ng mahigit P1,440,000 maliban dito inakusahan din si Magistrado na tumatanggap ng mga regalo kapalit ng kanyang serbisyo.