Sasailalim sa malalimang imbestigasyon ang hepe ng LTO na si Vigor Mendoza II.
Ito ay sa ilalim ng utos ni Transportation Secretary Jaime Bautista, sa gitna ng mga alegasyon ng katiwalian.
Sa isang pahayag, sinabi ni Bautista na hinihiling niya kay Mendoza na agad na isumite ang kanyang paliwanag at komento sa mga paratang, para sa tamang disposisyon at naaangkop na rekomendasyon sa Pangulo, kung kinakailangan.
Inilabas ng Transportation chief ang pahayag matapos ipanawagan ng ilang grupo ang pagpapatalsik sa hepe ng LTO sa gitna ng patuloy na paniningil ng computer fees at hindi pagpapatupad ng full government control sa Land Transportation Management System (LTMS).
Nanawagan ang iba’t-ibang grupo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na imbestigaha ang nasabing usapin.
Nanawagan din ang Coalition for Good Governance na tanggalin si Mendoza para sa patuloy na paniningil ng computer fees, sa halagang P169, ng dating IT provider ng LTO para sa bawat motor vehicle registration at renewal transaction.
Sinabi nito na hindi binanggit sa Citizen Charter ng LTO ang mga bayad sa kompyuter bilang bahagi ng kabuuang halaga na babayaran ng publikong nakikipagtransaksyon.
Giit ni Transportation Sec. Jaime Bautista na makakatiyak ang publiko na kanilang masusing iimbestigahan ang mga isyu ukol sa umano’y katiwalian.