-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Pinalawig ng Land Transportation Office (LTO) sa ilang district offices nito sa Region 12 ang renewal ng vehicle registration at driver’s license hanggang sa Hulyo 31, 2020.

Base ito sa inilabas na memorandum ng LTO Main Office noong July 1, 2020.

Kabilang sa magpapalawig na LTO-Districe Office ay ang sa Midsayap sa North Cotabato, Shariff Aguak at Cotabato City sa Maguindanao, Surralah sa South Cotabato at Alabel sa Sarangani.

Maliban sa nagpapatuloy na COVID-19 pandemic dahilan upang isailalim ang mga lugar sa community quarantine, bunsod din ito ng kawalan ng operasyon ng ilang mga emission testing centers.

Dahil dito, pahirapan ang pag-accommodate ng mga emission testing centers na nagpapatuloy ang operasyon dahil sa dami ng pumipila rito.

Nagpaalala naman ang LTO na ang mga sasakyang may plakang nagtatapos sa 3, 4 at 5 lamang ang kanilang tatanggapin sa ngayon para sa renewal.

Kasabay ng extension sa renewal, wala namang ipapataw na penalty charges ang LTO, paglilinaw nito.