-- Advertisements --

Hindi na mag-iisyu pa ang Land Transportation Office (LTO) ng lisensyang papel matapos kumpirmahin ng ahensiya nakapag-secure na ito ng 4 million plastic cards.

Paliwanag ni LTO chief Vigor Mendoza, ang na-secure na plastic cards na nakatakdang i-deliver ay sapat na para mapunan ang backlog sa driver’s license gayundin ang mga bagong aplikasyon para lisensya at renewal.

Sakali man na katigan ng Court of Appeals ang petisyon ng Office of the Solicitor General na may kaugnayan sa delivery ng natitirang 3.3 million plastic cards na binili noong unang bahagi ng 2023, makakadagdag pa ito maliban pa sa 4 million plastic cards na inaasahang matatanggap simula sa susunod na buwan.

Matatandaan na sinimulang mag-isyu ng LTO ng paper license simula noong Abril dahil sa kakapusan ng suplay ng plastic cards. – EVERLY RICO