Inihayag ng Land Transportation Office (LTO) na ilulunsad nito ang paggamit ng mga body-worn camera para sa kanilang mga enforcer para maiwasan ang umano’y panunuhol sa kanilang mga mahuhuli na lalabag sa batas trapiko.
Ayon kay Land Transportation Office Executive Director Giovanni Lopez, ang paglulunsad ng nasabing gamit ay kaakibat ng hand-held device na kung saan kasama na ang recorded audio na makukuha ng naturang camera.
Ayon kay Lopez, kakailanganin ng mga opisyal ng LTO na panatilihing naka-on ang kanilang mga body camera habang sila ay naka-duty.
Kung matatandaan, sinabi ng ahensya na magsisimula na silang gumamit ng automated handheld device para sa pag-iisyu ng mga ticket sa mga lumalabag sa trapiko.
Sa ilalim ng Phase 2 ng pagpapatupad nito, ang Land Transportation Office ay tatanggap na ng cashless payments.
Sinabi ng mga awtoridad na makakatulong ang mga ito na mabawasan ang panunuhol at pakikialam sa mga ticket ng isang indibidwal na lumabag sa regulasyon at batas ng trapiko sa ating bansa.