Inisyuhan na ng Land Transportation Office (LTO) ng show cause order (SCO) ang may-ari ng sasakyan na sangkot sa insidente ng road rage o away kalsada sa Imus, Cavite.
Ang video sa naturang insidente na kumalat matapos na mai-post sa social media ang naging basehan ng paglalabas ng show cause order ng LTO-Region 4A.
Lumalabas sa naturang imbestigasyon na ang driver na nasangkot sa road rage ay hindi ang registered owner dahil nakarehistro ito sa isang babae mula sa Rizal.
Base sa SCO, inatasan ang driver na magsumite ng kaniyang tugon na under oath sa loob ng limang araw mula ng matanggap para magpaliwanag kung bakit hindi dapat ito patawan ng disciplinary action.
Nakasaad din na nag-commit ang lalaking driver ng Reckless Driving sa ilalim ng Section 48, Article V ng Republic Act 4136, o ang Land Transportation and Traffic Code.
Sinabi naman ni LTO chief Vigor Mendoza II na parte ng investigation procedure ang pag-isyu ng show cause order kabilang ang pagtukoy kung ang driver na nasangkot sa road rage ay nasa impluwensiya ng alak nang mangyari ang insidente at kung mayroon itong lisensiya sa pagmamaneho.
Una rito, sa kumalat na video kamakailan, sinubukan umano ng driver ng SUV na harangan ang sasakyan na nasa likuran nito na makadaan.
Kinalaunan itinigil nito ang kaniyang sasakyan at kinompronta ang driver ng nasa likurang sasakyan. Narinig din sa video na pinagmumura nito ang mga lulan ng sasakyan.