Iniulat ng Land Transportation Office(LTO) na nabawasan ang mga ‘siga’ sa Marilaque(Marikina-Rizal-Laguna-Quezon) Highway kasabay ng pagtutulungan ng iba’t-ibang law enforcement agencies para mabantayan ang naturang lansangan.
Ayon kay Atty. Greg Guillermo Pua Jr., nadagdagan pa ang mga naka-deploy na mga law enforcer sa naturang lugar sa tulong ng Philippine National Police-Highway Patrol Group(PNP-HPG) upang regular na i-monitor ang mga dumadaang motorista sa naturang lansangan.
Nabawasan na aniya ang bilang ng mga nagsisiga-siga sa naturang kalsada at namementene ang maayos na pagdaan ng mga sasakyan habang na-iiwasan ang mga nagpapasikat sa lugar tulad ng mga dating nangyayari.
Kasabay nito ay inaaral na ng LTO na maglagay ng mga camera sa naturang lansangan upang oras-oras na mabantayan ang mga motoristang napapadaan doon.
Sinumang motorista aniya na mahahagip ng kamera na lumabag sa batas trapiko, nagpasikat, o gumawa ng mapanganib na stunt, ay maaaring agad papadalhan ng show cause order upang pagpaliwanagin.
Ayon pa kay Atty. Pua Jr, makakatulong ang mga camera upang masigurong matigil na ang mga nagpapasikat sa kalsada, bagay na nakaka-apekto sa ibang motorista.
Kabilang sa mga maaaring ihaing reklamo sa mga naturang motorista ay ang reckless driving, kasama na ang posibilidad ng pagkansela sa kanilang lisensiya at pagbawalang magmaneho ng sasakyan o motorsiklo.
Nitong huling bahagi ng Enero 2025 ay naging kontrobersyal ang Marilaque Highway dahil sa panibagong vehicular accident na nangyari sa naturang lansangan na ikinasawi ng isang indibidwal at ikinasugat ng ilang spectator. Ang naturang aksidente ay ang ika-13 na ngayong taon.