-- Advertisements --

Kinumpirma ng Land Transportation Office (LTO) ngayong araw ng Sabado ang pagkakakilanlan ng kanilang opisyal na binaril-patay ng isang hindi pa nakikilalang suspek lulan ng motorsiklo habang nasa loob ng kaniyang van sa Kamias road, Barangay Pinyahan, Quezon city nitong gabi ng Biyernes.

Ang biktima ay natukoy na si Mercedita Guttierez, chief ng Registration section ng LTO Central Office.

Nagtamo ito ng mga tama ng bala sa katawan at agad na isinugod sa East Avenue Medical Center subalit idineklarang wala ng buhay ng attending physician.

Kaugnay nito, mariing kinondena ng LTO ang pagpatay sa isa sa kanilang opisyal at tinawag itong gawain ng duwag.

Samantala, tiniyak naman ng LTO sa pamilya ng pinatay na LTO official na kanilang papanagutin at ikukulong ang lahat ng salarin na nasa likod ng naturang krimen.

Nagpaabot din ng taus-pusong pakikiramay ang ahensiya sa naulilang pamilya ng biktima at nakikiisa sa pagkamit ng hustisiya.

Samantala, bumuo naman na ang QC Police District ng isang special investigation task group para magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa insidente ng pamamaril.

Sinabi din ni QCPD Dirctor PBGen. Redrico Maranan na hindi sila titigil sa pagtugis sa suspek at sisiguraduhing maisisilbi ang hustisiya.