-- Advertisements --

Maghihigpit ang Land Transportation Office (LTO) sa practical test nito para sa mga motorcycle riders na kukuha ng driver’s license, ayon sa ahensya nitong Huwebes.

Inihayag ito ng LTO kasunod ng aksidente ng dalawang motorcycle riders na nagkarerahan sa mga lugar ng Marikina, Rizal, Laguna, at Quezon (Marilaque) Highway.

Ayon kay LTO Chief Vigor D. Mendoza II, sa ilang lugar ay simpleng atras-abante lang ang test bago makapasa, kaya nais nilang higpitan ang proseso upang matiyak na tunay ang mga kakayahan ng mga rider.

Nakilala na ng LTO ang mga lugar para sa mas maayos na practical driving tests sa iba’t ibang panig ng bansa. Target din ng ahensyang makapagtayo ng pasilidad sa mga pangunahing lungsod sa loob ng 45 araw.

Bukod dito, patuloy ding iniimbestigahan ng LTO ang mga organizer ng ilegal na karera sa Marilaque Highway.

Nanawagan din si Mendoza na palakasin ang presensya ng traffic enforcers at isama ang road safety education sa curriculum ng mga estudyante upang maagang mahubog ang kanilang tamang pag-uugali sa kalsada.