Ipinag-utos ni Land Transportation Office (LTO) chief Vigor D. Mendoza II sa lahat ng regional directors at pinuno ng licensing offices na maglagay ng mga priority lane para sa pagpaparehistro ng mga sasakyang na may expired na registration nang hindi bababa sa isang taon.
Sinabi ni Mendoza na ang kautusan ay bahagi ng “Oplan Balik Rehistro, Be Road Ready” na naglalayong himukin ang mga may-ari ng 24.7 milyong motorista na mag-renew ng kanilang registration.
Ang mga delinquent motor vehicles ay kumakatawan sa 65 porsiyento ng lahat ng sasakyan sa bansa.
Kasalukuyang nagsasagawa ang LTO ng mga agresibong law enforcement operations sa pamamagitan ng “No Registration, No Travel” policy kung saan ang mga mahuhuli na sasakyan na may expired na lisensya ay papatawan ng matitinding parusa na may kasamang P10,000 na multa.
Kasunod nito ay daan-daang mga sasakyan ang na-impound bilang resulta ng mga operasyon sa buong bansa.
Bukod sa programang ito, nauna nang ipinag-utos ni Mendoza ang pagsasagawa ng “One Stop Shop/Service Caravan/Outreach Program” na naglalayong ilapit sa mga tao ang mga tanggapan ng LTO, partikular na ang pagpaparehistro ng kanilang mga napaso o mageexpire ng mga sasakyan.