-- Advertisements --
LTO CHIEF VIGOR MENDOZA

Nagbabala si Land Transportation Office (LTO) chief Vigor Mendoza II na dapat mag-ingat ang mga motorista sa mga taong naniningil ng bayad para sa hassle-free na pag-claim ng mga plaka ng sasakyan.

Ang babala ni Mendoza ay matapos na makatanggap ng mga ulat na may ilang mga tao na nag-aalok na mag-claim ng mga plaka kapalit ng P200.

Hinimok niya ang publiko na i-report agad sa kanilang tanggapan ang mga humihingi ng pera at titiyakin aniya na masasampahan ng kaso ang mga taong ito.

Sinabi ni Mendoza na nagsimula na ang proseso ng pamamahagi sa ilang lugar sa bansa partikular na sa Bicol Region.

Aniya, nagsagawa ng partial distribution ng replacement plates ang mga tanggapan ng LTO sa Sorsogon at Naga City sa Camarines Sur noong Agosto 11.

Ang LTO aniya ay gagawa ng appointment system para sa isang sistematiko at maayos na pamamahagi ng mga hindi na-claim na plaka, kabilang ang mga mall na tinitingnan bilang distribution sites.

Hinimok din ni Mendoza ang mga LTO regional director at mga pinuno ng mga district office na makabuo ng pinakamahusay na paraan upang ipamahagi ang hindi na-claim na mga plaka pagkatapos niyang magpataw ng 60 araw na deadline para sa kanilang release.