-- Advertisements --
image 175

Nagbabala ang Land Transportation Office (LTO) sa mga driving schools na lalabag sa memorandum na nagtatakda sa price cap na ibabayad ng mga mag-aapply ng bagong driver’s license epektibo ngayong araw, Abril 15.

Sa nasabing price cap, nasa P5,000 ang maximum pay limit para sa light vehicles at P3,500 naman para sa mga motorsiklo base sa Memorandum Circular na inisyu ng LTO noong nakalipas na buwan.

Ayon kay Tugade, haharap sa sanctions ang mga driving school na lalabag sa LTO memorandum kung saan papatawan ng P50,000 na multa at anim na buwang suspension para sa first offense, P100,000 naman at isang taong suspensyon para sa ikalawang paglabag.

Sa kabila nito, kumpiyansa si LTO chief JayArt Tugade na walang driving school ang lalabag sa memorandum circular kasabay ng pagtitiyak ng Association of Accredited Driving Schools of the Philippines, Inc. (AADSPI), Philippine Association of LTO Accredited Driving Schools (PALADS) at iba pang kompaniya ng kanilang suporta sa naturang price cap.

Una rito, pinangunahan ng LTO chief ang pag-review sa driving school fees sa gitna na rin ng samu’t saring reklamo sa mataas na fee na ibinabayad ng mga nais mag-apply para sa driver’s license na pumapalo sa P9,000 hanggang P15,000.

Habang sa LTO, nasa P250 lamang ang sinisingil para sa student permit at P685 para sa driver’s license.