-- Advertisements --

Naglabas ng Show Cause Order ang Land Transportation Office laban sa registered owner ng itim na luxury car na sangkot sa nangyaring road rage sa EDSA-Ayala Tunnel sa Makati City na nauwi sa pamamaril-patay sa isang driver na nakagitgitan ng suspek.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang kanilang kagawaran sa Philippine National Police ukol dito.

Ito ay matapos na humingi ng Assistance sa LTO ang police investigators sa kaso para sa pagkakakilanlan ng registered owners ng luxury car gamit na ng suspek sa naturang krimen batay na rin sa naging salaysay ng mga testigo, gayundin ng mga kuha ng CCTV footage.

Batay sa naturang show cause order na inilabas ng naturang ahensya, sinasabing nagmula sa Las Pinas City ang registered owner ng nasabing sasakyan na pinagpapaliwanag naman kaugnay sa nangyaring insidente nang may kasamang notarized affidavit.

Dalawang violation ang nakasalig sa naturang show cause order na kinabibilangan ng Reckless Driving sa ilalim ng Joint Administrative Order 2014-01, at Improper Person and to Operate a Motor Vehicle sa ilalim naman ng Republic Act 4136.

Habang bukod dito ay hiwalay pa ang mga kasong kriminal na isasama sa suspek na sangkot sa nangyaring shooting incident na kasalukyan nang iniimbestigahan ngayon ng PNP.

Samantala, patuloy naman ang ginagawang pagpapaalala ng LTO sa lahat ng mga motorist na iwasang pairalin ang init ng ulo sa kalsada dahil wala itong mabuting maibubunga.