-- Advertisements --

Simula pa noong Disyembre ng nakaraang taon, umabot sa kabuuang 262 truck ang nahuli sa ilalim ng mas pinalakas na kampanya ng Land Transportation Office (LTO).

Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza, kabilang sa mga nahuli ang mga truck na may sira o pudpod na gulong, labis na kargada, at iba pang paglabag na maaaring magdulot ng panganib sa kalsada.

Pinalakas ng LTO ang kanilang kampanya matapos ang isang malubhang aksidente sa Katipunan Flyover, kung saan isang truck ang bumangga sa ilang sasakyan. Ang insidente ay nagresulta sa pagkamatay ng apat na tao at pagkasugat ng 24 pa.

Upang maiwasan ang mga ganitong pangyayari, mas pinaigting ng LTO ang presensya ng kanilang mga enforcer sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, partikular sa mga rutang madalas daanan ng delivery trucks.

Kasama rin sa kampanyang ito ang deployment ng mga LTO enforcer sa gabi hanggang madaling araw, kung kailan kadalasang inaalis ang truck ban sa mga urban areas.