Pinayuhan ni Land Transportation Office Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II ang publiko na direkta lamang na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan upang maiwasan na mabiktima ng phishing scam na lumalaganap ngayon sa bansa.
Ito ay matapos kumalat ang naturang scamming na nagpapanggap bilang Land Transportation Office at nagse-send ang mga ito ng mga traffic violation notification sa pamamagitan ng text messages.
Sa loob ng nasabing text message ay nakalagay ang isang link na di-umano’y kagaya ng website ng nasabing ahensya at kapag inilagay ang mga detalye ay makikita rito ang opsyon sa pagbabayad at dito na makukuha ang financial information na kinakailangan nila upang manakaw hindi lamang ang kanilang personal na impormasyon, ngunit gayundin ang laman at pera ng mga motorista.
Sa ngayon, patuloy na nagbibigay babala ang Land Transportation Office at nakikipag-ugnayan na rin ngayong ang naturang ahensya sa Philippine National Police upang malaman at mahabol ang mga online scammer dahil marami na umano ang nabibiktima ng nasabing modus.