Inutusan ng LTO ang mga tauhan nito sa buong bansa na paigtingin ang pagsasagawa ng inspeksyon sa lahat ng pampasaherong bus upang matiyak ang road worthiness sa gitna ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero para sa Christmas break.
Sinabi ni LTO chief Vigor Mendoza II na saklaw ng inspeksyon ang lahat ng mga provincial bus, kabilang ang mga bibigyan ng special permit, at idinagdag na ang road worthiness inspection ay dapat gawin bago umalis ang mga bus sa kani-kanilang terminal.
Ang sinisikap nilang pigilan, ayon kay Mendoza, ay mga malalang aksidente sa kalsada katulad ng nangyari sa Antique kung saan mahigit 15 katao ang namatay nang bumulusok sa malalim na bangin ang isang pampasaherong bus.
Inatasan ni Mendoza ang lahat ng opisyal ng LTO na gawin ito nang regular at hindi lamang tuwing holiday.
Bukod sa inspeksyon ng bus, inatasan din ni Mendoza ang lahat ng Regional Directors at District Office heads na tiyakin ang mental at physical condition ng mga drivers.
Bahagi ng panukalang ito ay ang pagsasagawa ng surprise at mandatory drug inspection.
Una nang sinabi ni Mendoza na dahil ipinapatupad na ang Christmas break sa ilang paaralan, inaasahan nilang mas maraming pasahero ang magtutungo sa mga bus terminal simula bukas araw ng Biyernes.