Paiigtingin ng Land Transportation Office ang panghuhuli sa Pebrero uno hindi lang sa mga kolorum na jeep kundi pati rin sa mga hindi rehistradong sasakyan.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza, mahaharap sa hanggang limang taong pagkakakulong at hanggang tatlong milyong pisong multa ang mga mahuhuling mapapatunayang kolorum.
Nasa sampung libong piso naman ang multa sa mga motorista na mahuhuling nagmamaneho ng hindi rehistradong sasakyan.
Sa datos ng LTO noong nakaraang taon nasa anim napu’t limang porsyento na mga sasakyan at motorsiklo sa bansa ang hindi rehistrado o katumbas ng 24.7 million.
Kaugnay nito, magkakalat ng mas maraming traffic enforcers ang tanggapan sa Metro Manila, bukod pa sa may 50,000 deputized traffic personnel sa buong bansa sa darating na Pebrero 1 kung saan maraming mga pampasaherong sasakyan na ang ituturing na kolorum.