Pinatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang may-ari at driver ng isang dump truck na bumangga sa hindi bababa sa 16 na concrete barriers sa EDSA Busway sa Quezon City.
Patungo sana ang truck sa Taguig upang maghatid ng buhangin mula sa Porac, Pampanga nang mangyari ang insidente. Inamin naman ng driver na siya ay nakatulog habang nagmamaneho.
Sa isang pahayag, sinabi ni LTO Chief, Assistant Secretary Vigor Mendoza II, na nagpapatuloy ang imbestigasyon hinggil sa mga pangyayari na nagdulot ng aksidente malapit sa EDSA-Santolan.
Naglabas din ang LTO-Intelligence and Investigation Division ng Show Cause Order (SCO) sa rehistradong may-ari ng dump truck, na nag-uutos sa parehong may-ari at driver na humarap sa LTO Central Office sa Quezon City sa Marso 31.
Inutusan ang mga ito na magpaliwanag kung bakit hindi dapat patawan ng reckless driving.
Samantala suspendidto naman ang lisensya ng driver sa loob ng 90-araw.