-- Advertisements --

Sinuspinde na ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng driver ng SUV at isa sa mga motorcycle rider na sangkot sa isang road rage na nauwi sa pamamaril sa Antipolo City.

Ang suspensyon ay tatagal ng 90 araw habang isinasagawa ang imbestigasyon ng LTO.

Ayon sa LTO, ang mga lisensya ng mga nasabing indibidwal ay isinuspinde matapos maglabas ng show-cause order sa kanila.

Isinailalim din ang SUV at motorcycle sa alarm status habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Sa isang pahayag, sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II na ang imbestigasyon ay magsisilbing batayan para sa posibleng mga parusa, kabilang ang pagkansela ng kanilang mga lisensya.

Nagpaalala rin ito sa mga motorista na maging maingat, responsable, at magpakita ng pasensya sa kalsada.

Matatandaan na ang insidente ay nangyari noong Linggo ng hapon sa Marcos Highway, kung saan isang road rage ang nauwi sa pamamaril na nag-iwan ng apat na sugatang tao.

Habang isang rider ang iniulat na pumanaw habang ginagamot sa ospital.

Ayon sa suspek, mabilis siyang nagmamaneho upang makahabol sa kanilang convoy, at itinangging malapit sa mga motorcycle riders.

Gayunpaman, isang video mula sa isang rider ang nagpakita na muntik nang magbanggaan ang SUV at isa sa mga motorsiklo.

Ayon pa sa anak ng isang nasugatang rider, dahil sa magulong pagmamaneho ng suspek, muntik matumba ang kanilang motor kaya’t hinabol nila ito.