-- Advertisements --

Tiniyak ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Vigor Mendoza na wala nang backlog sa lisensiya ng mga driver at plaka ng sasakyan pagsapit ng July 1.

Ito ang update na ibinigay ng LTO kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa isinagawang sectoral meeting sa Malakanyang kaninang umaga.
Sinabi ni Mendoza na nasa humigit kumulang 9.7 milyong license cards na ang na bid out ng DOTR at LTO kaya wala nang dahilan para para hindi matugunan ang kailangang cards para sa buong taon.

Inihayag ni Mendoza, pwede na aniyang magpunta sa LTO ang mga motorista na mayroong hawak ngayong papel na lisensiya para kunin ang kanilang license cards.

Para naman sa mga mag i expire ang lisensiya sa buwan ng Hunyo, pwede na aniyang mag renew ngayon dahil sapat na ang cards para rito.

Para sa mga plaka ng sasakyan, sinabi ni mendoza na sapat ang plaka at inayos na ang sistema.

Inihayag ni Mendoza na sa ngayon mayroon na lamang aniyang 11 araw ang dealers at kanilang mga tauhan sa LTO para ibigay sa motorista ang plaka mula sa araw na bumili ito ng sasakyan at nagsumite ng mga dokumento.

Dagdag pa ni Mendoza, padadalhan nila ng show cause order para pagpaliwanagin ang sinumang dealer na hindi tumupad sa 11day period na dapat maibigay ang plaka, at pwedeng mauwi aniya para maipasara ang kanilang operasyon kapag nagpatuloy o paulit ulit ang paglabag.

Siniguro din ni Mendoza na may katapat na parusa din para sa mga LTO employees kapag lumabag ang mga ito sa itinatakdang requirements sa pagproseso ng dokumento.