Binawian ng lisensya sa pagmamay-ari at pagdadala ng armas ang dating alkalde ng Langiden, Abra na si Artemio Donato jr.
Ito ay matapos na mapag-alaman ng mga otoridad na mayroon itong kwestiyonableng mga dokumento para sa kaniyang License to own and possess firearms para sa kaniyang mga armas na aabot sa 15 mga baril.
Paliwanag ni PNP-firearms and explosives office Chief PBGEN Paul Kenneth Lucas, nilagdaan niya ang revocation ng lisensya ni Donato dahil sa mga discrepancies nito sa kaniyang mga dokumento tulad ng hindi pare-pareho o magkakaibang pirma nito sa kaniyang LTOPF registration.
Sa ngayon ay binigyan aniya nila ito ng 15 araw na palugit upang maisurrender nito sa mga otoridad ang kaniyang mga baril na binawian ng lisensya.
Ngunit kasabay nito ay tiniyak din ni Lucas na patuloy ang kanilang isasagawang operasyon upang tukuyin ang mga indibidwal kabilang na ang mga kasalukuyan at dating mga politiko na mayroong pasong lisensya at kuwestiyonableng dokumento para sa mga lisensya nito sa pagmamay-ari ng baril bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya nito laban sa mga loose firearms.
Samantala, una nang iniulat ni PNP Chief PGEN Benjamin Acorda Jr na mula noong Enero 1 hanggang Mayo 26, 2023 ay aabot na sa 11,417 na mga loose firearms ang nakumpiska ng pambansang pulisya sa buong bansa, kung saan aabot sa 3,599 ang bilang ng mga naaresto nito nang dahil sa pagma-may ari ng mga ilegal na armas.
Sa kaparehong panahon ay aabot naman sa 6,513 ang bilang ng mga armas na natanggap ng pulisya para sa safekeeping, habang nasa 1,783 naman na ang mga kasong naisampa na nito sa korte.