Idineklara sa state of calamity ng pamahalaang lungsod ng Lucena ngayong araw ng Lunes, Mayo 27, dahil sa malawakang pinsala dulot ng bagyong Aghon.
Ito ang kinumpirma ng Public Information Office (PIO) ng Lucena city.
Ito ay matapos na malubog sa baha ang maraming lugar at kabahayan sa Quezon province partikular na sa naturang lungsod.
Kung saan aabot sa 1,250 pamilya o 5,607 indibidwal ang na-displace mula sa iba’t ibang mga barangay sa siyudad.
Inilikas ang mga apektadong pamilya patungo sa mga paaralan, barangay hall at evacuation centers.
Sa pamamagitan ng pagdedeklara ng state calamity, mabibigyan ng awtoridad ang lokal na pamahalaan na gamitin ang kanilang calamity funds.
Gayundin para makontrol ang presyo ng mga bilihin sa naturang lugar.
Nauna naman ng sinuspendi ni Gov. Angelina Tan ang klase sa lahat ng antas sa mga eskwelahan sa probinsiya kabilang na sa Tayabas city at Lucena city. Kanselado na rin ang pasok sa gobyerno habang ang pasok naman sa mga pribadong kompaniya ay nakadepende na sa pagpapasya ng business owners.