-- Advertisements --

NAGA CITY – Inaasahan na umano ng Philippine Army na sunod na ikokonsidera bilang hotspot ang Bansud, Oriental Mindoro.

Ito’y matapos ang nangyaring pagdukot ng New People’s Army (NPA) sa apat katao na kinabibilangan ng isang barangay kapitan, isang Cafgu at dalawang sibilyan.

Samantala, una namang pinalaya ng mga rebelde ang kapitan at dalawang sibilyan ngunit nananatiling nasa kamay ng mga ito ang Cafgu.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Capt. Patrick Jay Retumban, chief ng Division of Public Affairs Office (DPAO) ng 2nd Infantry Division, Philippine Army, tiniyak nitong tututukan ng mga kasundaluhan at kapulisan ang lugar para sa seguridad ng mg residente.

Nabatid na hindi lamang ito ang unang beses na may dinukot ang mga rebelde sa naturang lugar.

Maaalala na isa tinitingnang motibo sa pagdukot sa mga biktima ang umano’y pagtanggi ng naturang kapitan sa mga extortion demand ng mga NPA bilang bahagi ng permit to campaign kasabay ng nagpapatuloy na local campaign period.