KORONADAL CITY – Ipinasiguro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tahimik at ligtas na sa sinumang sibilyan ang Sitio Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao ang lugar kung saan nangyari ang brutal na pagpatay sa 44 mga kasapi ng Special Action Forces (SAF) Troopers siyam na taon na ang nakalipas.
Ito ang inihayag ni BGen. Oriel Pangcog, commanding officer ng 601st Brigade Philippine Army sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Pangcog, itinuturing nang peace zone ang lugar kung saan may mga sundalong nakabantay at dahan-dahan na ring nagkaroon ng development para sa mga residente doon.
Sa katunayan, ngayong araw ay maraming mga aktibidad na isinagawa upang alalahanin ang kabayanihan ng 44 elite forces na namatay sa nangyaring mis-encounter noon sa pagitan ng mga ito at ng mga armadong grup kabilang na ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Liberation Front (BIFF).
Dagdag pa ni Pangcog, ang pangyayari ay nagsilbing aral sa lahat lalo na sa kanilang hanay upang di na maulit pa ang pagkamatay ng SAF.
Sa ngayon, panawagan ng opisyal sa lahat lalo na sa mga nais maging sundalo o kasapi ng Philippine National Police (PNP) na patuloy na magpursige dahil kakaiba at fulfilling ang pakiramdam na makapaglingkod sa bayan.