-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Nadagdagan pa ang mga barangay na mula sa 14 na munisipyo na naapektuhan ng African Swine Fever ng Isabela.

Umakyat na rin sa 34 barangay ang nakapagtala ng kaso ng ASF sa lalawigan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Angelo Naui, Provincial VeterInarian ng Isabela na pumalo na sa kabuoang 1,611 na baboy ang isinailalim nila sa Culling.

Ang mga munisipalidad at barangay na naidagdag sa kaso ng ASF ay ang Mambabanga sa bayan ng Luna at barangay Ramos West, San Isidro, Isabela.

Magugunitang nauna nang nakapagtala ng kaso ng ASF sa mga bayan ng Quezon, Quirino, Mallig, Jones, Aurora, Roxas, San Manuael, Gamu, Cordon, Mercedes, Echague at San Pablo.

Maliban dito ay nadagdagan rin ang mga apektadong barangay ng ASF sa Gamu at Roxas.

Aniya bagamat isinailalim na sa culling ang mga Baboy sa mga infected barangays at munisipyo ay mananatiling naka Quarantine ang nasabing mga barangay sa loob ng 30 araw kasabay ng daily at weekly disinfectant na pangungunahan ng mga Local officials habang ang mga municipal Agriculture Office naman ang mag-uulat ng update ng ulat sa Provincial Veterinary Office.

Samantala, pansamantalang hindi pahihintulutan ng Provincial Veterinary Office ang mga hog raisers malapit sa mga affected areas na makapag-alaga ng baboy hanggat hindi naidedeklarang ASF free ang nasabing mga barangay.

Ipinaliwanag Dr. Naui na ito ay sanhi ng biglaang pagdami ng mga barangay at munisipalidad na nakapagtala ng kaso ng ASF gayundin ang sabay sabay na pag-culling maging sa mga malulusog na baboy dahil sa biglaan at sabay sabay na pagdating ng resulta ng ASF confirmatory test sa mga blood samples mula sa Bureau of animal Industry.

Iminumungkahi na rin ng Provincial Veterenary Office ang pagsasagawa ng disinfection sa mga slaughter house pagkatapos ng operasyon ng mga ito upang maiwasan ang pagkalat ng nasabing sakit.

Nakiusap rin sila sa mga mamimili na iwasan na ang pagbili ng mga baboy na nasa loob ng mga naka quarantine na barangay sa mga apektadong munisipalidad.

Nagbanta rin ang opisyal na maaaring mapatawan ng penalty ang sinumang mahuhuling lumabag at makumpiska ang mga dala nilang karne ng baboy.

Maliban dito ay pinayuhan na rin nila ang mga veterinary technician na iwasan na muna ang pagbisita sa mga Piggery pangunahin na sa mga apektadong barangay upang hindi nila maikalat ang ASF virus.