Hindi umano isang military facility ang lugar kung saan nahuling kinunan ng larawan ng dalawang Chinese sa Puerto Princesa, Palawan.
Paglilinaw ni dating Navy Flag Officer-in-Command Alexander Pama, ang lugar ay isang parola at isa raw tourist destination.
Pinawi naman ni Pama ang pangamba ng publiko kaugnay sa ulat na nang-iispiya ang China sa Puerto Princesa.
Ayon kay Pama, barko ng Philippine Coast Guard ang naka-standby sa lugar at hindi barko ng Philippine Navy.
Sinabi ng dating heneral, sa Olugan Bay matatagpuan ang Navy facility at sa Palawan ang Western Command.
“Actually yung parola sa Puerto Princesa ay Coast Guard ang mga nakaparada doon, its a Coast Guard station, minsan may Navy ships doon para mag-provision lang but strictly speaking yung tide pole ng lugar na yun is not a military station, ang military station po natin is in Wescom and in Olugan bay,” pahayag ni Pama.
Sa panig naman ni Defense Sec. Delfin Lorenzana, may mga kaukulang security measures na isinagawa ang mga ground commanders para maiwasan na matiktikan ng mga kalaban.
Sinabi ng kalihim, alam ng mga commanders ang mga ganitong usapin.
“I’m sure the commanders in the area will have measures to protect itself from being observes and from any intruders that will interfere with the operations of the command,” wika ni Lorenzana.