LEGAZPI CITY – Nagbabala ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) Bicol sa mga residente ng Cataingan, Masbate kung saan naitala ang sinasabing liquefaction na sanhi ng pagyanig.
Dahil kasi sa pagpasok ng tubig-dagat sa naturang lugar o ang sea intrusion, tipikal na itong babahain.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay MGB Bicol Regional Director Guillermo Molina Jr., nasa mababang lebel na ang settlement ng lupa kaya karaniwan na ang magiging pagbaha.
Maliban pa dito ay nasa dagat rin ang dalawang sinkholes sa bahagi ng Brgy. Casabangan Pio V. Corpuz na nasa 10 metro ang distansya sa coastal area.
Samantala, nakita naman ang lateral movement ng lupa na dulot ng pagyanig na nagdala ng kalahating metrong paggalaw ng lupa at 0.2-metro na vertical displacement.
Paliwanag pa ni Molina na kung limestone ang uri ng bato o lupa na nasa lugar, karaniwang nakikita ang naturang mga sitwasyon.