LEGAZPI CITY – Misinterpretation lamang umano sa ipinatutupad na health protocols sa mga lugar na nasa Enhanced Community Quarantine ang nangyari sa viral video kung saan iginigiit ng sinasabing barangay official na hindi essential ang lugaw na idi-deliver sana ng isang Grab driver.
Pasok na rin umano kasi sa curfew ang pag-deliver ng lugaw.
Aminado si Department of Interior and Local Government (DILG) Usec. Epimaco Densing III na madaliang hakbang ang muling pagsailalim ng NCR Plus Bubble sa ECQ kaya’t hindi gaanong naging malinaw para sa ilan ang direktiba.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sinabi ni Densing na naliwanagan na ang barangay official sa depinisyon ng essential goods at services habang ni-reprimand din ito.
May pagkakaiba umano kasi ang ECQ noong nakaraang taon sa kasalukuyang pinaiiral dahil pinapayagan ang food delivery at bukas ito 24 hours o kahit pasok na sa curfew hours.
Binibigyan lamang aniya ng pagkakataon ang mga kababayan na kumita pa rin sa kabila ng pinahigpit na protocols habang malinaw rin itong pinag-usapan sa Inter-Agency Task Force, basta’t sumunod sa minimum public health standards.
Pinag-aaralan na sa ngayon ang pagsasagawa ng reorientation sa mga opisyal upang maiging maipaunawa ang mga protocols.