Sa kabila ng pagiging 25 years old pa lamang, ipinoste na ni Dallas superstar ang kaniyang ika-siyam na 40-point triple-double sa naging panalo ng Dallas Mavericks kontra Golden State Warriors.
Gumawa ang tinaguriang LukaMagic ng 45 points, 11 rebounds, at 13 assists, daan upang maibulsa ng Mavs ang ika-17 panalo ngayong season.
Anim na 3-pointer ang naipasok ni Luka mula sa 11 attempts, kasama ang pitong free throws.
Malaking tulong din ang presensiya ng dating Warriors guard na si Klay Thompson na nagpasok ng pitong 3-pointers mula sa 11 pinakawalan.
Sa Warriors, hindi umubra ang 26 points at sampung assists na nagawa ng superstar na si Stephen Curry, kasama ang 29 points na ambag ni Andrew Wiggins.
Maging ang 21 points ng defensive specialist na si Draymond Green ay hindi rin sapat para isalba ang Warriors mula sa ika-11 pagkatalo nila ngayong season.
Parehong naitala ng dalawang koponan ang mahigit 50% na 3-pt percentage kung saan 27 3-pointers ang ipinasok ng GS habang 21 naman ang nagawa ng Mavs sa kabuuan ng laban.
Sa kabila nito, nahirapan ang Warriors sa napakaraming free throw na iginawad sa Dallas. Umabot kasi sa 25 calls ang ibinigay sa Mavs habang tanging 11 lamang ang itinawag sa GS.
Ang pinagsamang 48 3-pointer na naipasok ng dalawang koponan ay panibagong record sa NBA bilang pinakamaraming 3-pointer na naipasok ng magkalabang koponan sa kasaysayan ng liga.
Mula sa 48 tres, 18 dito ay naipasok ng Warriors sa unang half ng laban.