-- Advertisements --

Dinumina ni Luka Doncic ang naging matchup sa pagitan ng Los Angeles Lakers at ng kaniyang dating koponan na Dallas Mavericks.

Sa naturang laban, nagbuhos si Doncic ng 45 points, kasama ang walong rebounds at anim na assists, habang 27 points at pitong rebounds ang ini-ambag ni NBA superstar Lebron James.

Hindi napigilan ng Dallas ang impresibong opensa ng dati nitong star player, lalo na sa 2nd half ng naturang laban.

Bigo naman ang dating bigman ng Los Angeles na si Anthony Davis na sabayan ang opensa ng kaniyang dating koponan, at sa halip ay nalimitahan ito sa 13 points, kasama ang 11 rebounds sa loob ng 33 mins na paglalaro sa hardcourt.

Patuloy na nakikipaglaban ang Dallas sa Play-In Tournament spot para tuluyang makapasok sa 2025 playoff, hawak ang kartadang 38 – 42.

Sa kabilang dako, komportable naman ang Lakers na makuha ng ikatlo o ika-apat na pwesto sa western conference, hawak ang 49 wins at 31 na pagkatalo habang dalawang laro na lamang ang nalalabi sa schedule nito.

Batay sa kasalukuyang record ng Lakers, nagawa nitong maipanalo ang lima sa huling sampung laban.

Kapareho rin ang record ng Dallas, hawak ang limang panalo at limang pagkatalo sa huling sampu nitong laban.