-- Advertisements --
Aabot na 1,720 ang bilang ng mga nahuhuling lumalabag sa ipinapatupad na gun ban ng Commission on Elections (Comelec).
Batay ito sa datos ng PNP mula sa 1,598 na ikinasang operasyon sa iba’t ibang panig ng bansa buhat nang magsimula ang panahon ng halalan.
Sa nabanggit na bilang ay nasa 1,654 na mga naaresto ay pawang mga sibilyan, 27 ang security guards, 15 ang PNP personnel, siyam ay mga sundalo at may 15 iba pa.
Sumampa naman sa 1,325 ang kabuuang bilang ng mga nakumpiskang armas, 662 ang mga nakumpiskang deadly weapon at pampasabog habang nasa 7,426 ang mga bala.
Nakapagtala ang NCR ng 615 na mga naaresto, 189 sa CALABARZON, 183 sa Central Visayas, 171 sa Central Luzon at 90 sa Western Visayas.