CAGAYAN DE ORO CITY – Patuloy na inaalam ng pulisya ang motibo sa pamamaril-patay ng isang lumad leader sa Barangay Iba, Cabanglasan Bukidnon.
Kinilala ni Cabanglasan Municipal Police Station commander Police Major Eddie Boy Manalo ang biktima na si Datu Mario Agsab, 52-anyos, may asawa at leader ng Pigyayunga-an Lumad Organization.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Manalo na binaril ng dalawang hindi kilalang armadong tao ang biktima habang sakay ito sa kaniyang motorsiklo.
Nagtamo ito ng maraming tama ng bala sa katawan na siyang sanhi ng kaniyang agarang pagkamatay.
Aniya, kabilang sa kanilang tinututukan ang alegasyon nang grupong Kalumbay na militar ang pumatay sa biktima.
Samantala, mariing itinanggi ni 8th IB commanding officer Lt.Col. Ronald Illana ang akusasyon.
Kaniyang inihayag sa Bombo Radyo na hindi nila ito magagawa sa kadahilanan na supporter ng kanilang programa sa nasabing lugar ang pinatay na lumad leader.