CAUAYAN CITY – Umabot na sa 171 katao ang nasawi dulot ng COVID-19 sa Nueva Vizcaya.
Kaugnay pa nito nangunguna pa rin sa talaan ng may pinakamaraming aktibong kaso ang Bayan ng Bayombong.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Vizcaya, umabot na sa 5,413 ang kabuoang bilang ng mga Novo Vizcayano na tinamaan ng COVID-19.
Mula sa nasabing bilang ay 4,912 na rin ang kabuoang bilang ng mga naitalang gumaling at 171 na rin kabuoang nasawi dahil sa virus.
Nasa 321 COVID-19 total active cases sa Lalawigan kung saan 70 active cases ang mula sa Bayan ng Bayombong, sinundan ng Bambang na may 66 at 64 sa Bayan ng Solano.
Nananatili pa rin sa General Community Quarantine Status ang Nueva Vizcaya at tiniyak ng pamahalaang panlalawigan na mahigpit pa ring ipinapatupad ang mga health protocol.